Junior

For Rhuena and Kim. For Irene and Alexis. For every single mom (or dad) who fills a child’s world with love.

And for Mama.


– Isang Maikling Kwentong Pambata –

‘Di ko kamukha si Nanay.
‘Di ko rin kahawig si Lola. Lalo na si Lolo.
‘Di kami mapagkakamalang magpinsan ni Kuya Carlo.
Malayo din ang mukha ko kay Tita Tessa. Lalo na kay Tito Lino.
Sino nga ba ang kamukha ko?
Hindi si Nanay. Hindi si Lola. Hindi si Lolo.
Hindi ang pinsan ko. Hindi ang mga kapatid ng nanay ko.
Aha! Kamukha ko ang Tatay ko.
Pero sino ba ang Tatay ko?

Minsan, tinanong ko si Lola, “Lola, sino po ba ang tatay ko?”
Hindi agad nakasagot si Lola. Parang mahirap ang tanong ko.
“Asan po ba siya?”
Napahinga nang malalim si Lola, “Hijo… Ang tatay mo, hindi ko nakilala.
Kung masalubong ko s’ya sa kalsada. O makasakay sa jeep.
O makausap sa palengke…hindi ko mapupuna. Malamang, siya’y tulad mo rin.
Ang cute-cute!!!” Sabay pisil sa pisngi ko. “Wag mo nang isipin yun, hijo.
Ang lagi mong alalahanin, mahal na mahal ka namin.”

“Opo, Lola.”

Ang labo ng sagot ni Lola. Pero binigyan niya ko ng pag-asa.
Sa susunod na labas namin ng bahay, baka makasalubong ko si Tatay.

Isang araw, paglakad ko galing eskwela, napatingin ako sa kasalubong ko.
Eto kaya ang tatay ko? Singkit na singkit ang mata…tulad ko!
Huminto ako sa harap niya at sabi ko, “Kayo po ba ang tatay ko?”
Pero si Mamang singkit, parang wala siyang narinig at tuloy-tuloy ang paglakad.

Hindi siguro siya.

Minsan, nasa bus kami ni Lola. Siksikan sa loob at ako’y nakatayo. Parang sardinas kaming tabi-tabi. Halos magkapalit-palit na ang mga braso namin habang nakahawak sa estribo. Napansin ko ang kamay at brasong nasa itaas ng kamay at braso ko. Kulay kape na may konting gatas. Tulad ko!

Napatingala ako sa may-ari ng kamay at braso. Isang mamang maamo ang mukha, kaya di ako nahiyang magtanong, “Kayo po ba ang tatay ko?”

Nag-preno bigla ang bus. Si Mamang kulay kapeng nahaluan ng gatas, di na nakasagot. Inagos na ng mga pasaherong pababa ng bus.

Hindi siguro siya.

Minsan nama’y inutusan akong bumili ng tinapay sa panaderya.
Sumilip ako sa estante para ituro ang tinapay na gusto ni Lola.
Sumilip din ang panadero para kumuha ng limang piraso.
Kulot na kulot ang buhok niya. Tulad ko! Inabot niya sa akin ang tinapay.
Inabot ko naman ang bayad at ‘di ko rin natiis na tanungin, “Kayo po ba ang tatay ko?”
Si Mamang kulot, ‘di sumagot.

Ako’y tumalikod na lang, nang bigla siyang sumutsot, “Boy, boy!”
Kumabog ang dibdib ko. Heto na ang sagot na pinakahihintay ko!

“Boy, dali-dali ka namang umalis. Di ko tuloy nasabi sa’yo…sobra ang binayad mo.” Sabay abot sa akin ng barya.

Hindi rin siya.

Sino nga ba ang Tatay ko? May tatay nga ba ako?

Ang dami ko na’ng pinagtanungan pero walang makasagot.
Baka kailangang dumiretso sa puno’t dulo.
Magsimula sa simula. Sa pinagmulan ko. Sa Nanay ko.
Isang hapon, inabangan ko ang pag-uwi ni Nanay galing opisina.
Bumusina ang sasakyan niya sa garahe. Nandito na si Nanay!

Sinalubong ko s’ya ng halik at dumampi sa mukha ko ang buhok n’yang tuwid na tuwid. ‘Di tulad ng buhok ko. Tinitigan ako ng mga mata niyang bilog na bilog. ‘Di tulad ng mga mata ko. Humawak ako sa kanyang kamay na simputi ng gatas. ‘Di tulad ng kamay ko.

Tinulungan ko s’yang bitbitin ang kanyang gamit at pumasok kami sa kanyang silid. Mukhang pagod si Nanay pero ‘di na ako makapaghintay. “Nay, pwede po ba’ng magtanong? Sino po ba ang tatay ko? Nasaan po ba siya? Ayaw po ba niya sa akin kaya di siya nagpapakilala?”

Napaupo si Nanay sa kama at napabuntung-hininga. “Halika dito sa tabi ko.” Umupo ako sa tabi ni Nanay.

“Matagal na kaming ‘di nagkikita ng Tatay mo. Nung nasa kolehiyo kami, lagi kaming nagkikita at lubos na nagmamahalan. Pero ‘di pa siya handa para sa iyo. May mga pangarap siyang gustong matupad kaya lumayo siya, at iniwan niya sa akin ang pinakamagandang regalong natanggap ko. Ikaw yun, anak.”

May mga bahaging hindi ko naintindihan sa kwento ni Nanay. Pero ang maliwanag ay meron nga akong tatay. “Nanay, gusto ko siyang makita.”

“Anak, gustuhin ko man, hindi ko alam kung saan siya hahagilapin. Bakit, anak? Ayaw mo na ba dito? Kapiling nina Lola’t Lolo, ng tiyahin at tiyuhin, ng pinsan mo?” Parang nalulungkot si Nanay. Ayaw kong malungkot siya. Ayoko rin mawalay sa kanya.

“Hindi Nanay! Hinding-hindi! Pakiramdam ko lang minsan, ibang-iba ako sa inyong lahat. Iba ang kulay. Iba ang hugis ng mga mata. Iba ang tubo ng buhok ko.”

“Anak, tara. Silipin natin sina Lola sa sala.” Mula sa kwarto ni Nanay, bumaba kami ng ilang baytang ng hagdan kung saan natatanaw ang sala. Nandun si Lolo, Lola, Tito at Tita, at ang pinsan ko. Tinuro ni Nanay, ang pinsan ko’ng si Kuya Carlo. Pumapadyak sabay sipa sa tugtog ng radyo. “Tingnan mo si Kuya Carlo, ang galing sumayaw…tulad mo.”

“Oo nga ano!” Napasabay ang mga paa ko sa pagpadyak at sipa ni Kuya Carlo.

“Si Tita Tessa, naaalala mo? ‘Di ba lagi kayong nag-uunahan sa pagkain ng pakwan?”

“Oo nga ano!” Kanina nga lang, habang nagmemerienda, nagkasabay ang tinidor namin sa pagtusok ng huling piraso ng palitaw.

“Si Tito Lino, naman. ‘Di mo napagmamasdan ‘pag naghihikab? ‘Kala mo kumakanta. Parang ikaw din.”

“Oo ngaaaaaaahhh no!” Napaisip ako’t napahikab din, tulad ng paghikab ni Tito.

“Tingnan mo si Lolo, nakadungaw sa bintana. Kumukuyakoy ang binti. Tulad mo,
‘pag nagmamasid-masid.”

“Oo nga ano!” ‘Di ko namamalayang kumukuyakoy na pala ang binti ko habang nakikinig kay Nanay.

“At ayan, si Lola mo, ‘pag natatawa, nanginginig ang mga balikat. Tulad mo, ‘pag humahagikgik.”

“Oo nga ano! Hee-hee-hee-hee!” Nanginginig nga ang balikat ko habang humahagikgik!

“Kita mo!” Sabay tawa din ni Nanay.

At nakita ko din, sa pagngiti ni Nanay, para akong nakatingin sa salamin. Ang ngiti nya, parang ngiti ko rin. May tig-isang biloy na maliit sa magkabilang dulo ng mga labi.

“Si…si Tatay mo…kapag mas malaki-laki ka na, sabay natin siyang hahanapin.”
“Tagal pa ‘yun, Nay! Okay lang po ako.”

Masaya akong tumuloy sa sala. Nakita kami ni Lola at binati niya si Nanay. “O Victoria, buti naman bumaba na kayo….”

Hindi nga ako naiiba. Tulad ako ni Lola, ni Lolo, ni Tito Lino, ni Tita Tessa, ni Kuya Carlo. Lalo na ni Nanay.

“Hay naku, gutom na nga ako. Victor, kain na tayo.”

‘Nga pala, Victoria? At Victor?

Oo, Junior niya ako.

– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –

 


Creative Commons License

This work is licensed under a Creative Commons
Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 License
.

6 responses to “Junior

  1. Pingback: The Story Goes… « *happy camper*

  2. UY, marunong na siyang mag-Creative Commons copyright… hehe. 🙂

  3. Rhoeda Farolan

    Hats off to you for a job well done! Cheers!

  4. Grace Jiao

    I have to read this creative story again. Parang ako pala si “lola” kapag tumatawa nanginginig ang mga balikat at kapag ngumiti naman si “nanay” may tig-isang biloy- yun nga lang ang sa akin biloy na malaki sa magkabilang pisngi 🙂 Keep up the good work, girl. You really deserve the award!

  5. joyce

    hello insan! Di lang si Junior ang napasaya mo, kami ring mga mambabasa. Am sooo proud of you!

  6. Michelle

    Que lingua é esta?
    E qual a traduCao desta frase para portugues:
    “halik sa akin sa titi?”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s